
Nasaan ang Bagong “Rizal”?
Written on Wednesday, June 11th, 2008 at 4:22 pm | by Letters To EditorThe following poem is our first ever published article from submissions through email. The writer here is Luz Santiago, a stay-at-home mom of two. She dedicates the poem to all Filipinos.
Nasaan ang bagong “Rizal”?
Nasa palasyo ba?
O baka nasa tabi mo lang?
Nasa kalsada ba?
O baka nasa bahay lang?
Malay mo?
Kailangan mo lang gumising,
Imulat ang mga mata
Magbanat ng buto,
Palawakin ang isipan mo
Alamin ang nangyayari sa paligid mo.
Sino ang bagong “Rizal”?
Mayaman ba siya?
O baka mahirap na katulad ko?
Edukado ba siya?
Galing sa kilalang unibersidad?
Tapos ng kurso sa ekonomiya,
politika o pag-aartista?
Ano’ng suot niya?
Siguro branded ang jeans niya.
Naka-tuxedo kaya siya?
O sira-sirang damit na halos basahan na.
Kumakain kaya siya ng “steak” at caviar?
O baka paa ng manok sa stik
At bagoong na pinagkatago-tago ng isang taon.
Anong gawain niya?
Maaaring banal siya,
Pala-simba?
O pala-“samba”?
Ay, “party” pala!
Maaaring naka-debuho siya ng
Maraming “research”, “studies”, at “projects”
Ngunit nanatili sa papel
Dahil gamit niya’y Ingles
Salita niya ay dayuhan
Sa tunay na salita ng bayan.
Hindi siya naintindihan!
Maaring umaawit siya habang sumasayaw
Idolo ng kabataan
Sa kalokohan at kagaguhan.
Maaring isa siyang guro
Nagtitiyaga kahit maliit ang sweldo
Hangad ay makapagturo
Sa mga “bagong pag-asa ng kinabukasan”.
Pwede ring isa siya sa mga vigilanteng
nasaktan sa Mendiola
Gamit ay dahas
Kinalimutan ang higit na
Lakas ng edukasyon, dasal,
at matahimik na paraan.
Baka isa siyang ina na
“walang ginagawa” kundi
magluto, maglaba, maglinis ng bahay
Magturo at mag-disiplina ng kaniyang mga anak.
Bayani?
Ano bang bayani?
Parang Robin Hood?
Mabuti sa harap,
Sa likod ay nagnanakaw pala?
Si Darna ba siya?
O parang Kapitan Kidlat na kagulat-gulat?
“Heroes Wanted!
Ang trabahong pinakamahirap gawin.
Masyado kasing nakakasilaw
ang kislap ng bituin
Este, salapi pala!
Pwedeng pareho na rin!
Nasaan ang bagong “Rizal”?
Kapatid, huwag ka nang lumayo….
IKAW! Ang bagong “Rizal”!
Kailangan ka ng bayan mo!
Ngayon!
Kahit nasaan ka.
Ano man ang ginagawa mo.
Tunay kang bayaning maituturing
Kung ang isip mo ay pagtulong sa kapwa.
Iniisip ang ikabubuti ng nakararami,
hindi ng pansarili.
Totoo, sa loob at labas,
harap at likod.
Isang taong may Diyos,
Sa isip at sa gawa.
Bayani kang maituturing
Kung ang layunin mo’y
Pabutihin ang anyo,
kulay at hugis
ng mundo mong ginagalawan.
Bata ka man
O may pinagkatandaan,
May punlang itinanim
Sa iyo ang May Akda.
Punla ng kabutihan.
Ng liwanag
At ng katinuan.
Ang mahalaga lang
Ay ingatan mo.
Panatilihing buhay, arugain,
Gamitin at palaguin.
Hanggang dumami ang katulad mong bayani.
Nasaan ang bagong “Rizal”?
Tama ka kapatid.
Ikaw! Ang bagong “Rizal”!
Tags: filipino poetryComments
2 Responses to “Nasaan ang Bagong “Rizal”?”
Leave a Reply



Luz,
This simple poetry definitely surpasses everyone or anyone’s opinion of the “Filipino” image at this blog site. I salute you ! Too many people talk trash and offer their opinions but does not even understand or see what a Filipino is today !
….’kay utak !
Thank you, Ms. Santiago. I hope you don’t mind if I email your poem to my friends.